-- Advertisements --
PRESIDENT DUTERTE

Inihayag ni Act-Teachers Party list at House Deputy Minority Leader France Castro na pinag-iisipan ng Makabayan bloc ang pagsasampa ng grave threat complaint laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay matapos niyang pagbantaan ang buhay ni Castro kaugnay ng kanyang pagtutol sa kahilingan ni Vice President at Education Secretary Sara Durterte para sa confidential funds.

Sa isang press conference nitong Linggo, binanggit ni Castro na kasalukuyang nasa proseso na ang kanyang abogado sa pagtukoy ng nararapat na kasong isasampa laban sa dating pangulo kung saan grave threat posibleng isampa dahil ito ay direkta nang banta sa buhay ng mambabatas, sa kaniyang pamilya, at sa palagay nito sa lahat din ng mga kontra sa confidential funds at intelligence funds.

Matatandaan na sinabi umano ni Duterte sa kaniyang anak na si VP Sara na ang unang dapat na target ng intelligence fund ay si Rep. Castro at inihayag na gusto niyang patayin ang lahat ng komunista.

Ginawa ng dating pangulo ang pahayag sa isang panayam sa kanyang TV show sa SMNI television network.

Kung saan ayon kay Rep. Castro, pinag-aaralan din nila ang isang resolusyon ng Kamara na bawiin ang prangkisa ng SMNI dahil hindi ito ang una pagkakataon na ginawa nila ito na pinakamasamang ipinalabas umano ng network

Samantala, sa isang pahayag noong Sabado, kinondena rin ng mga pinuno ng House parties ang ginawa ng dating Pangulo na banta laban kay Castro. Nanawagan sila sa dating pangulo na iwasang gumawa ng pananakot o pananakit sa sinumang miyembro ng Kongreso o sa mismong institusyon.

Una ng sinabi ni Castro na target nilang isampa ang reklamo laban sa dating Pangulo ngayong linggo.