KALIBO, Aklan – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa natagpuang granada na palutang-lutang sa dalampasigang sakop ng Barangay Yapak sa isla ng Boracay.
Ayon kay PCpt. Hermeniano Abenis ng Malay Police Station, isang beach cleaner na kinilalang si Roy Echague, 25-anyos, residente ng Barangay Balabag sa naturang isla ang nakakita sa rifle grenade.
Nasa loob ng kanyang plastic container ang granada na kumpleto pa ang component subalit kapag natanggal ang pin nito ay maaari umanong sumabog.
Agad na kinuha ng pulisya ang granada sa lugar at inendorso sa Explosives and Ordnance Division ng Police Precinct 3 para sa proper disposal.
Inaalam pa ng pulisya kung saan nanggaling ang granada, subalit pinapaniwalaang nahulog ito nang magsagawa ng seaborne patrol ang mga otoridad at inanud sa naturang lugar.