-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Labis ang pagdadalamhati ng pamilya ng isang kawani ng provincial capitol na namatay matapos aksidenteng mabaril ang sarili sa loob ng kaniyang sasakyan sa Barangay Anao, Cabagan, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cabagan Police Station, hiniling ng kanyang pamilya na itago sa pangalang Larry ang biktima, 38 anyos, may-asawa at residente ng nabanggit na barangay.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Cabagan Police Station at pahayag ng mga kaanak ng biktima na nakarinig sila ng malakas na pagsigaw ng kanilang katiwala nang umanoy makarinig ng putok ng baril sa loob ng sasakyan ng biktima.

Agad umanong lumapit at binuksan ng mga kaanak ng biktima ang SUV at tumambad sa kanila ang walang malay at may tama ng bala baril sa dibdib,.

Kaagad itinakbo sa Milagros District hospital ang biktima ngunit idineklarang Dead On Arrival ng kanyang attending physician

Narecover sa crime scene ang isang License Calibre 45 pistol.

Sinisiyasat ng pulisya ang anggulong maaring aksidenteng nabaril ng biktima ang kanyang sarili dahil nagkamali sa pagsasaayos o pag-assemble ng baril sanhi para tamaan ng bala ng baril sa dibdib na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.