CAUAYAN CITY- Sinampahan na ng kasong falsification of public documents ang ginang na nagproseso ng pekeng lisensya o driver’s license sa Cauayan City.
Matatandaang nitong nakaraang buwan ng Hunyo ay nadiskubre ng Land Transportation Office (LTO) Cauayan City ang pekeng lisensya ng tsuper na si Steve Bassig, residente ng Brgy. San Luis, Cauayan City dahil wala itong record sa LTO kaya hindi ito tunay na license holder.
Inamin ng tsuper na ipinagawa niya ang kanyang lisensya sa isang Angie Perez ng Brgy. San Fermin, Cauayan City at ito na ang nagproseso sa mga kailangang dokumento at nagbayad na lamang siya rito.
Nagpakilala umano ang ginang na siya ay konektado sa LTO kaya maaaring makapagproseso ng issuance ng driver’s license na hindi na kailangan pa ng personal na pagtungo ng magpaparehistro basta magbayad na lamang sa kanya.
Maliban kay Bassig ay isinuko rin ni Jeremy Padua Paolo ang kanyang lisensya dahil kay Perez din umano siya nagpagawa nito.
Nagtiwala ang dalawang tsuper sa Ginang kaya sila ay nagbayad na lamang dahil mas madali na ang pagpapalisensya kaysa kung sila ay magtungo pa sa LTO.
Matatandaan din na napatawag ang ginang sa LTO at inamin naman nito na siya ang nagproseso sa mga dokumento para sa issuance ng lisensya ng dalawa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LTO District Head Deo Salud, sinabi niya na nasampahan na ng kaso ang ginang at hinihintay na lamang ang trial.
Aniya bagamat hindi pa nag-surrender ang ibang kasabayan ng mga nauna na nilang nahuli ay tiyak na hindi lamang ang ginang ang nagsasagawa ng pamemeke ng lisensya.
Talamak na rin aniya ang mga nag-ooffer ng assistance online o gamit ang social media platform ngunit kanyang pinaalalahanan ang mga kukuha ng lisensya na LTO lamang ang lehitimong nag-iimprenta ng lisensya.
Nanawagan si District Head salud sa mga tumangkilik ng Fixer na mas maiging i-surrender na lamang ang kanilang pekeng lisensya o magproseso na lamang sa kanilang tanggapan para sa Lehitimong drivers license dahil sakali mang mahuli ang mga ito sa kalsada ay may kakaharapin silang penalty katumbas ng driving without drivers license at magbabayad ng Php3,000.00 at one year suspension o hindi na maaring makapagpalisensya.