-- Advertisements --

Inaprubahan na ng House Committee on Appropriations ang funding provisions ng panukalang batas na naglalayong magtatag ng Department of Water Resources (DWR) at Water Regulatory Commission.

Sa kanilang meeting nitong umaga, inaprubahan ng komite ang mga sections ng panukala na nagdedetalye sa budgetary requirements para sa creation ng DWR, na isa sa mga priority bills ng Duterte administration.

Ang DWR ay inaasahan na maging primary national government agency na responsable sa komprehensibo at integrated planning, policy formation, management at ownership, utilization, exploitation, development, at protection ng mga water resources sa bansa.

Ayon kay Batangas Representative Marvey Mariño, sponsor ng panukala, ang legislative intent ng pagtatag ng DWR ay tiyakin ang ligtas, sapat at tuloy-tuloy na water supply para sa publiko.

Layon din aniya ng panukalang ito na matiyak ang maayos na governance at epektibong regulation ng water service.

Sinabi ni Mariño na ang proposed budget para sa DWR ay P2 billion.

Sakaling maging ganap na batas, magiging attached agencies ng DWR ang Local Water Utilities Administration, Metropolitan Waterworks and Sewerage System, National Irrigation Administration at Laguna Lake Development Authority.

Ang ipinapanukalang bagong kagawaran na ito ay isa sa tatlong ahensya na prayoridad ng Kamara na maitatag sa pamamagitan ng mga nakabinbin na panukalang batas.

Mababatid na bukod sa DWR, target din ng kamara na maitatag ang Department of Disaster Resilience, at ang Department of Filipino Overseas.