CAUAYAN CITY- Tinalakay ang Functionality Assessment Audit ng bawat Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) sa ginanap na Anti- Drug Abuse Council Meeting sa Santiago City.
Ito ay bilang tugon sa Memorandum Circular No. 2018-01 ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Napag-usapan sa pagpupulong ang ilang concerns ng tanggapan ng mga Barangay kabilang na ang paglilinaw ng Classification ng mga user at pusher, mga programang makakatulong sa pagpuksa ng Droga sa komunidad, pagbabalik ng rehabilitation program at mga hakbang na makakatulong upang mabigyan ng tiyansa ang mga reformist na makapagbagong buhay.
Dinaluhan ito ng mga Punong Barangay ng 37 Barangay sa lungsod, kinatawan ng PDEA, si Mayor Joseph Tan, PCol. Reynaldo Dela Cruz ng SCPO, City Health Office sa pamamagitan ni Dr. Genaro Manalo at tanggapan ng DILG Santiago sa pamamagitan ni Ginoong Raul Melegrito.
Batay sa. BADAC Consolidated Report Form noong 2019 ay naitala ang 100% total points ng functionality sa mga Barangay ng Baluarte, Buenavista, Calao West, Centro East, Luna, Mabini, Malvar, Plaridel, San Andres, San Jose, Santa Rosa, Victory Sur.
Ibig sabihin nito ay naging epektibo ang mga programa ng mga nabanggit na tanggapan kontra sa iligal na droga.
Nakabatay dito ang bilang ng mga naging drug surrenderee ng mga nabanggit na Barangay.
Mayroon namang mahigit 70% na total functionality points ang mga Barangay ng Ambalatungan, Balintocatoc at Patul na tututukan ngayon ng Pamahalaang lunsod upang matugunan ang mga posibleng pagkukulang ng mga nabanggit na barangay.
Sa kasalukuyan ay labing siyam nang Barangay sa Lunsod ang naideklarang Drug Cleared na kinabibilangan ng mga Barangay ng San Andres, Villasis, Calao West, Cabulay, Abra, Ambalatungan, San Jose, Nabbuan, Sinili, Villa Gonzaga, Baluarte, Sagana, Balintocatoc, Divisoria, Sinsayon, Sta Rosa, Salvador at Bannuag Norte.