
Inihayag ng Civil Aeronautics Board (CAB) na bababaan ang fuel surcharge mula sa level 7 sa Level 6 para sa buwan ng Pebrero.
Sa isang advisory sinabi ng CAB na mula noong Disyembre 10, 2022 hanggang Enero 9, 2023, ang presyo ng jet fuel na pumapatak sa average na P38.92 kada litro alinsunod ito sa Level 6 ng Passenger and Cargo Fuel Surcharge Matrix.
Sa ilalim kasi ng Level 6, ang fuel surcharges ay pumapalo mula PHP610.37 hanggang PHP4,538.40 para sa international flights, at mula PHP165 hanggang PHP665 naman para sa domestic destinations depende sa distansiya.
Ayon sa Civil Aeronautics Board ang mga airline na nais na mangolekta o magpataw ng fuel surcharge ay dapat na magsumite ng aplikasyon sa Office of the Executive Director bago o sa mismong effectivity period.
Sa parte naman ng mga airline company, ang pagbaba sa fuel surcharge ay very promising trend na sumasalamin sa pagtaas ng mas abot-kayang air travel.
Itinuturing din ng AirAsia Philippines ang naturang hakbang na isang welcome development lalo na para sa mga nagpaplano na ng maaga para sa kanilang summer vacation.










