-- Advertisements --

Posibleng aabot sa P436 billion o $8.72 billion ang uutangin ng Pilipinas mula sa iba’t ibang foreign lending institutions ngayong taon sa paglaban at pagbawi mula sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Finance Assistant Secretary Antonio Lambino II, ang P436-billion target sa foreign loan financing para sa buong taon ay nakaangkla sa maayos na debt management strategy ng administrasyon.

Ayon kay Asec. Lambino, sadyang malaki ang kakailanganing utangin sa paglaban ng COVID-19 dahil hindi ito nai-budget.

Iginiit naman ni Asec. Lambino na maganda ang standing ng Pilipinas bilang borrowing country dahil sa pagtaas ng ating credit rating.

Sa ngayon ay nasa halos $6 billion na ang utang ng Pilipinas mula sa World Bank (WB), Asian Development Bank (ADB) at Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB).