Ipinapanukala ng isang mambabatas ang pagkakasabatas sa food stamp program ng pamahalaan.
Sa ilalim ng House Bill 8532 na ipinapanukala ni 1-PACMAN party-list Rep. Michael Romero, nakasaad dito na ang nasabing hakbang ay makakatulong upang tuluyang masugpo na ang kagutuman sa bansa.
Sa panukala ng partylist congressman, bibigyan ang bawat benepisyaryo ng mga tap cards na mayroong P5,000 na food credits.
Maaari aniya itong gamitin ng mga benepisyaryo na pambili ng mga masusustansiyang pagkain mula sa mga DSWD local retailers.
Sa ilalim pa rin ng panukala, tutulong ang Department of Agriculture sa pagsusuply ng mga produkto o pagkain, gamit ang local production ng mga magsasaka.
Magiging pangunahing benepisyaryo ng nasabing programa ay ang mga pamilyang kumikita lamang ng hindi lalagpas sa P8,000 kada buwan.
Kung maisasabatas ito, inaasahang inisyal na makikinabang ang 300,000 na pamilya. Posible namang aabot pa ito sa isang milyong benepisyaryo sa mga susunod na taon.










