Nagpaliwanag ang Department of Health (DOH) matapos ituro ang Pilipinas na pinanggalingan ng unang kaso ng COVID-19 sa bansang Solomon Islands.
“Ive-verify pa natin ‘yan, ako hindi ko pa ‘yan narinig honestly,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang online media forum.
Ayon sa opisyal, kailangang maintindihan ng publiko na kahit nag-negatibo sa confirmatory na RT-PCR test ang isang indibidwal ay may tsansa pa rin na mahawaan ito ng sakit.
“But if that is really the case, kailangan maintindihan nating lahat, kung sakaling umalis ang estudyante, nanggaling dito sa Pilipinas, there are protocols na ite-test sila.”
“Kailangan natin isipin na ang ating RT-PCR test, or any test for that matter, pagdating sa COVID-19 is a point in time test. Ibig sabihin ite-test mo ko ngayon, pero hindi yan magpe-prevent na ma-expose na ako ulit pagka-test mo sa akin.”
Iginiit ni Vergeire na posibleng may iba pang factor o dahilan kaya nag-positibo ang nasabing estudyante pagdating sa kanyang bansa.
Pag-aaralan daw ng DOH ang insidente para hindi lumala ang takot ng publiko sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.
Sa isang online briefing, sinabi ni Prime Minister Manasseh Sogavare na isang repatriated student mula Pilipinas ang kanilang unang kaso ng coronavirus.
“This student was quarantined in Manila before he boarded the flight to come back home. He tested negative for the three tests that we’ve done in Manila which was a compulsory requirement,” ani Sogavare.










