CEBU – Muling nasungkit ng Filipino triathlete na si August Benedicto ang titulo matapos manalo sa men’s division ng Megaworld Ironman 70.3 Philippines kahapon, Agosto 7, 2022, sa Mactan Newtown sa Lapu-Lapu City.
Bagama’t saglit siyang hindi sumali sa kompetisyon dahil sa Covid-19 pandemic, ipinakita ng 38-anyos na si Benedicto na hindi nawala ang kanyang kakayahan.
Sa naganap na aktibidad ay nakapagrehistro si Benedicto ng oras na 4:29:16 para angkinin ang kanyang ikalimang overall men’s title.
Pagkatapos ng karera, pinasalamatan ni Benedicto ang Kataas-taasan at ang mga Cebuano sa pagpapasaya at pagsuporta sa mga triathlete na tulad niya.
Paliwanag ni Benedicto, ang palakpakan ng mga tao ay magbibigay sa kanila ng higit na lakas at motibasyon para malampasan ang mahirap na karera.
Si Benedicto, na nakabase ngayon sa Germany, ay huling sumali sa isang Ironman event sa Cebu noong 2019 kung saan pumangalawa lamang ito.