DAGUPAN CITY — Mapalad.
Ganito isinalarawan ni Bombo International News Correspondent Alan Tulalian sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa naging karanasan ng Filipino Community Association sa bansang Trinidad & Tobago nsa Caribbean Island ang ginanap na Training on the Basics on How to Start a Small Business and Skills Demo on Sushi Making, Balloon-Making, and Flower Arranging na isinagawa ng Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA) Washington D.C.
Binigyang-diin ni Tulalian na napakalaking tulong ang nasabing training na ito sapagkat magagamit ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang mga certificate na nakuha nila mula sa karanasang ito pag-uwi nila ng Pilipinas, partikular na sa paga-apply nila sa iba’t ibang programa ng OWWA at ibang government agencies gaya na lamang ng Department of Migrant Workers (DMW).
Dagdag pa ni Tulalian na tila nagmistula na ring get together ang dinaluhan nilang training sapagkat maraming OFW ang nakisama at nakiisa sa nasabing event.
Maliban sa sushi making, balloon-making, at flower arranging, ay mayroon ding dumalong tagapagsalita na nagbahagi ng isang lecture tungkol sa financial literacy, habang mayroon ding nagbahagi ng sarili niyang karanasan sa pagiging isang matagumpay na business owner.
Nagkaroon din umano ng Consular Outreach Program ang embahada ng Washington D.C. kung saan ay maraming OFW ang nabigyan ng pagkakataon na makapag-renew ng kani-kanilang mga passport.
Labis naman ang pasasalamat ng Filipino Community Association ng Trinidad & Tobago sa POLO-OWWA sa pagkakataon at magandang karanasan na ipinagkaloob sa kanila.