MANILA – Binigyang diin ng Department of Health (DOH) ang babala nito sa publiko laban sa mga ibinibenta umanong bakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, walang kasiguraduhan na ligtas at epektibo ang mga naturang bakuna, lalo na’t hindi dumaan ang mga ito sa tamang proseso.
“We cannot guarantee you, yung safety niyan, kung magiging epektibo yan,” ani Vergeire sa isang media forum.
“Syempre dahil backdoor dumaan, baka hindi namin kayo ma-monitor kasi hindi niyo sasabihin sa amin na bumili kayo sa unregistered seller at magkaroon kayo ng adverse reaction.”
Paliwanag ng DOH spokesperson, matitiyak lang na ligtas ang mga bakuna kung mayroon nang “emergency use authorization” (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA).
“Ito yung ating safeguard para magkaroon ng kasiguraduhan na itong bakuna na gagamitin ay pumasa sa ating mga eksperto.”
Hinimok ni Vergeire ang publiko na tangkilikin lang ang mga bakuna na may emergency use authority ng FDA.
Sa isang press release nitong Martes, nilinaw ng DOH, FDA at National Task Force against COVID-19 na kahit may EUA na ang isang bakuna ay hindi pa rin ito pwedeng i-benta.
“The grant of EUA to any vaccine is not equivalent to a product registration or market authorization, which means that said products may not be marketed or sold.”
Sinabi ni Bureau of Customs spokesperson Vincent Maronilla sa isang panayam na sa ngayon wala pa silang nasasamsam na hindi rehistradong COVID-19 vaccines.
“No seizures yet of any illicit or unauthorized vaccines… We have beefed up capability to screen imports for the fake vaccines, but they will in no way hamper the arrival of the legit vaccine,” ani Maronilla sa interview ng ANC.