-- Advertisements --

Kakailanganin umano ng Kongreso na i-extend ang validity ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) matapos na bigong ipamahagi ng executive branch ang P140-billion COVID-19 aid package sa iba’t ibang ahensya.

Ikinalungkot kasi ni Sen. Ralph Recto ang nangyari dahil mahabang panahon at oras umano ang kanilang inilaan upang balangkasin ang Bayanihan 2 ngunit hindi naman kaagad ito naipamigay sa mga higit na nangangailangan.

Ang naturang dagdag pondo para sa COVID-19 relief measure ng bansa ay nakatakdang mapaso sa Disyembre 19. Parehong araw na mag-aadjourn ang legislative branch para sa isang buwan na Christmas at New Year break.

Napag-alaman ng mga mambabatas na ilalabas pa lamang ng Department of Budget and Management (DBM) ang nasa P24 billion na nakalaan sa agricultural loans at tulong pinansyal sa mga magsasaka.

Karagdagang P10 billion naman ang para sa turismo na isa sa mga sektor na malubhang naapektuhan ng health crisis.

May ilang ahensya rin aniya ang nagsabi na hindi nila natanggap ang dagdag pondo na nakapaloob sa Bayanihan 2.

Hindi lang daw kasi tulong para sa mga [amilya at mga negosyo ang maaantala ngunit pati na rin ang tuluyang pagbangon ng sumadsad na ekonomiya ng bansa.