Nasa 8 million katao na ang nabakunahan kontra COVID-19 (Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa unang tatlong araw ng Bayanihan, Bakunahan national vaccination drive.
Ayon sa National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson na si Myrna Cabotaje, ang nasabing bilang ay katumbas na ng 90 percent ng 9 million target ng national government para sa naturang programa.
Nauna nang pinalawig ng pamahalaan ang vaccination drive na ito hanggang ngayong araw ng Biyernes, Disyembre 3, upang ma-sustain ang “enthusiasm” ng publiko na magpabakuna na kontra COVID-19.
Muling nanawagan naman si Cabotaje sa mga kompanya na payagan ang kanilang mga empleyado na makibahagi sa extended vaccination drive sa pamamagitan nang pagpayag sa kanila na lumiban pansamantala sa trabaho sa loob ng maiksing oras.
Samantala, sinabi ng NVOC chair na tuloy na tuloy pa rin sa darating na Disyembre 15 hanggang 17 ang plano nilang second wave ng COVID-19 vaccination days.
Base sa kanilang datos, nasa 21 million pa ang hindi nababakunahan sa bansa.
















