-- Advertisements --
Ex Senator De Lima binisita ng ilang US Senate staff sa Camp Crame

Binisita ng ilang Senate staff ng Estados Unidos si dating Senador Leila De Lima sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame.

Sa pahayag ng pambansang pulisya, sinabi nitong mainit nilang tinanggap sa Chief, PNP Lounge sina Chris Homan, senior adviser on national security, foreign policy of US Democrat Senator Dick Durbin, at maging ang iba pang kawani ng Embahada ng Estados Unidos na kanilang kasama.

Anila, bago ang nasabing pagdalaw ay ipina-turn over muna sa mga kinauukulan ang kanilang mga personal na kagamitan at nagkaroon muna ng briefing sa mga ito hinggil sa mga security adjustments na kanilang ipinatupad sa piitan ng detinadong senadora matapos ang nangyaring hostage taking sa kaniya ng mga miyembro ng Abu Sayyaf Group noong Oktubre.

Ipinaalam din ng mga otoridad ang desisyon at pansariling kagustuhan ni De Lima na manatili sa pangangalaga ng Philippine National Police Custodial Facility sa kabila ng mga naging alok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ilipat siya sa ibang detention facility at gayundin ang kaniyang health condition na palagiang mino-monitor ng mga doktor ng PNP.

Samantala, sa kabilang banda naman ay tiniyak naman ng pulisya na aprubado ni PNP Acting Chief of Directional Staff, PMGen Michael John Dubria ang naturang pagbisita kay De Lima, gayundin ang lahat ng mga kinakailangang requirements at security protocols ukol dito.