Iminungkahi ni dating Sen. Gregorio “Gringo” Honasan ang pagkakaroon ng dayalogo sa pagitan ng Kamara de Representantes at Senado upang matuloy ang isinusulong na economic constitutional amendments.
Ginawa ni Honasan ang suhestyon matapos na ipahayag ang kanyang pagsuporta sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 sa huling araw ng pagdinig ng Committee of the Whole House of Representatives.
Sa question-and-answer period, tinanong ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales Jr. si Honasan kung ano ang gagawin nito kung siya ang Senate President para maipasa ang resolusyon.
Ayon kay Honasan makabubuti rin kung pag-uusapan ng pribado ang mga hindi pagkakasundo sa halip na sa publiko.
Noong Miyerkoles ay inaprubahan na ng Committee of the Whole House ang RBH No. 7 matapos ang anim na araw na marathon hearing.
Sa susunod na linggo ay inaasahan na aaprubahan na ito ng Kamara sa ikalawang pagbasa. Target ng Kamara na maaprubahan ito sa ikatlong pagbasa bago ang Holy Week break na magsisimula sa Marso 23.
Naniniwala si Honasan na panahon na upang amyendahan ang Konstitusyon at hindi umano dapat na katakutan ang pagbabago.
Sinabi ni Honasan na makatutulong sa pag-unlad ng pamumuhay ng mga Pilipino ang pagpasok sa bansa ng mga dayuhang mamumuhunan.
Iginiit din ng dating senador na dapat makasabay ang bansa sa pagbabago ng mundo.
Ayon kay Honasan ang mga pangamba na ang pagbubukas ng ekonomiya ay magkaroon ng epekto sa national security ng bansa ay maaaring tugunan ng Kongreso sa pamamagitan ng paglalagay ng mga kondisyon para sa mga negosyanteng mamumuhunan sa bansa.