-- Advertisements --

Nanindigan si dating Sen. Richard Gordon sa kaniyang panawagan para kay Sen. Alan Peter Cayetano na mag-resign na bilang presidente ng Senado.

Isa si Gordon sa mga nananawagan para bumaba na bilang Senate leader si Sen. Cayetano dahil sa mga serye ng kaguluhan at ilang beses na nakanselang sesyon sa mataas na kapulungan.

Ayon kay Gordon, dati na niyang ipinapanawagan ang pagbaba ni Cayetano sa kaniyang puwesto, limang araw na ang nakakalipas.

Katwiran ng batikang mambabatas, mula noong naupo si Cayetano bilang lider ng naturang kapulungan ay sunod-sunod na aberya at kaguluhan na ang dinanas o nangyari sa kapulungan, mula sa pagkopkop kay Sen. Ronald Dela Rosa na isang pugante, shooting incident, pagtakas ni Dela Rosa, kawalan ng qourom, walkout bilang protesta, atbpa.

Mistula rin aniyang nakalimutan na ni Cayetano ang kaniyang sarili at paninindigan, kasama ang pagkalimot na siya ay kumakatawan sa mga taong bumoto sa kaniya.

Dahil sa mga ito, marapat lamang aniya na pumili na ang mataas na kapulungan ng kanilang bagong lider para masigurong magpapatuloy ang mga trabaho nito, kapwa bilang isang legislative body at isang impeachment court.

Giit ni Gordon, na dati ring nagsilbi bilang chairman ng makapangyarihang Blue Ribbon Committee ng Senado, mistulang isang ‘hara-kiri’ ang ginagawa at pananatili ni Cayetano sa mataas na kapulungan, at labis na naaapektuhan dito ang integridad ng Senado.