Pinangalanan din sa posibleng iniimbestigahan ngayon ng International Criminal Court sina dating Philippine National Police chief Senator Ronald dela Rosa at Oscar Albayalde maliban pa kay dating Pangulong Rodrigo Duterte may kinalaman sa war on drugs.
Ayon kay ICC Assistant to Counsel Kristina Conti, tahasang pinangalanan sina Duterte, Dela Rosa at Albayalde sa public documents kaugnay sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa madugong kampaniya kontra iligal na droga ng nakalipas na administrasyon.
Paliwanag ni Conti na kumakatawan sa mga pamilya ng mga biktima ng drug war na ang pagkakasama ng pangalan ng 2 police chiefs bilang posibleng iniimbestigahan ng ICC ay upang malaman kung ang kanilang posisyon ay dahil sa command responsibility.
Iginiit pa nito na ang crimes against humanity ay na-established na sa kasalukuyang proceedings o paglilitis ng ICC. Kayat ang tanong aniya sa ngayon ay kung sino ang pinaka-responsable dito.
Sa oras aniya na natukoy na ang mga ito, sinabi ni Conti na maaari ng mag-isyu ng arrest warrant o summon ang ICC kahit na kasalukuyang gumugulong pa ang imbestigasyon.
Nang matanong naman kung gaano karami ang maaaring tukuyin na pinakaresponsable sa kaso ng crimes against humanity, tinukoy ni Conti si dating Pangulong Duterte dahil nagsimula aniya ang lahat sa kaniya.
Gayundin maging noong 2021 nang hilingin ng ICC prosecutor ang awtorisasyon sa paglulunsad ng imbestigasyon ay partikular din na tinukoy sina Dela Rosa at Albayalde.
Sa 57 pahinang request ng ICC prosecutor, tinukoy din ang directors ng Anti-Illegal Drugs Group at sumunod ang Drug Enforcement Group at ang PNP’s regional, provincial, at city-level directors na siyang nakatoka sa pakikipag-coordinate ng mga operasyon sa ground.
Sa kaso naman ni VP Sara Duterte, sinabi ni Conti na hindi kasama sa official public records ng ICC ang pangalan ng bise presidente.
Subalit malinaw na indikasyon aniya na maaaring kasama ito nang tukuyin ng ICC na ang scope o saklaw ng kanilang imbestigasyon ay mula November 2011 hanggang June 2022 kung saan kabilang dito ang kontrobersiyal na Davao death squad nang alkalde pa noon ng Davao city si VP Sara.
Subalit sinabi din ni Conti na kailangan pa ng karagdagang imbestigasyon para mapatunayang sangkot ito o isa ito sa mga perpetrator.