Magkahalong masasaya at malulungkot na mensahe ang naging pag-alala ng mga kapwa celebrity ni Naya Rivera kasunod ng kumpirmadong pagkamatay nito matapos malunod sa Lake Piru sa California.
Isa si Lea Michelle sa mga nagbahagi ng throwback o lumang pictures ni Naya kasama ang isa pang sumakabilang-buhay nang “Glee” cast member na si Cory Monteith.
Una nang inanunsyo ng Ventura County Sheriff na matapos ang limang araw na search operation ay narekober na ang bangkay ng 33-year-old actress mula sa hilagangsilangan na bahagi ng nasabing lawa na may lalim na 60 feet.
Ayon kay Ventura County Sheriff Bill Ayub, posibleng naubos ang lakas ni Naya nang lumangoy ito pabalik sa bangka upang mailigtas ang apat na taong gulang na anak.
Kumpiyansa aniya sila sa resulta ng inisyal na imbestigasyon na ang natagpuang bangkay ay si Naya base sa pisikal na kaanyuan at suot nitong damit.
Bago ang insidente nitong July 9, nag-post pa ang aktres ng larawan nila ng anak at nilgagyan ng caption na “just the two of us.”
Ang Lake Piru ay reservoir na matatagpuan sa Los Padres National Forest and Topatopa Mountains.
Si Naya Rivera ay nakilala noon sa hit musical TV series na “Glee” kung saan ginagampanan nito ang papel bilang cheerleader na si Santana.
Lumabas din ito sa “Devious Maids,” at “Step Up: High Water.”
Kung maaalala, naka-bonding din ni Naya ang Pinay singing sensation na si Charice noong maitampok din sa nasabing TV series at gumanap naman bilang si Sunshine Corazon.
Sa ngayon, “Jake Zyrus” na ang pangalan ni Charice. (thesun)