
Nagpasaklolo ngayon sa Supreme Court (SC) si dating Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog para humingi ng proteksiyon.
Ayon kay Parojinog ginigipit daw kasi ito ng mga otoridad maging ang kanyang pamilya.
Sa petition for Writ of Amparo na inihain ng abogado ng dating konsehal, hinihiling nitong magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) na pipigil sa pag-usad ng kanyang kaso sa Ozamiz City Regional Trial Court (RTC).
Maliban dito nais din niyang magpalabas ang Korte Suprema ng Temporary Protection Order laban sa PNP at sa Ozamiz RTC bunsod umano ng patuloy na banta sa kanyang buhay, kalayaan at seguridad.
Inihirit din niya na kalaunan, pagkatapos na maisalang ang petisyon sa pagdinig ay magpapalabas ang SC ng Permanent Protection Order laban sa mga respondent.
Pinangalanang respondent ni Parojinog sa kanyang hirit sina PNP Chief Director General Oscar Albayalde, Ozamiz City Police Chief Major Jovie Espinido at Ozamiz City RTC Acting Executive Judge Soliver Peras.
Ang petition for Writ of Amparo ay isang legal remedy para sa mga tao na ang karapatang mabuhay, pati na ang kanyang kalayaan at seguridad ay nalalabag.
Inihain ang petisyon sa pamamagitan ni Atty. Paul Medard Escolano ng Red Law Office.
Maalalang nahaharap si Parojinog sa kasong murder, illegal possession of firearms and ammunition (Republic Act 10591) at illegal possession of explosives (RA 9516).
Kapatid niya si dating Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog na napatay sa ginawang pagsalakay ng mga pulis sa bahay ng mga Parojinog noong July 2017.










