-- Advertisements --

Iginiit ng ex-boyfriend ni Gladys Guevarra na si Leon Sumagui na wala itong perang tinangay mula sa singer-comedienne.

Pahayag ito ng nasabing social media producer, halos isang linggo mula nang emosyonal na mag-Facebook Live ang 43-year-old actress.

Ayon kay Leon, Setyembre 1 pa nang naibalik niya ang pera para sa September 1 orders pa lang dahil alam niyang gagamitin ito ni Gladys para pambili ng mga sangkap sa kanyang kakanin.

Pero sa pahayag ni Gladys o kilala rin bilang si Chuchay, hindi raw naibigay ang pera para sa September 3 orders.

“Remitted po siya nung September 1, hindi ko lang po alam kung bakit nawala daw po or itinakbo ko daw yung pera,” saad nito sa pamamagitan ng kanyang YouTube account.

Kasabay nito ay naghamon pa ang producer na siya ay idemanda na lamang kung talagang may ebidensiya na kanyang itinakbo ang pera.

Una rito, pinagtalunan nila ang kakanin business hanggang sa lumayas daw si Leon at hindi na makontak.

Nabatid na nagsimula ang relasyon nila ng komedyante sa pamamagitan ng paggawa ng video blogs kung saan nagsilbing videographer at editor si Leon.