Nilinaw ngayon ng Energy Regulatory Commission (ERC) na walang overcharging na ginawa ang Manila Electric Company (Meralco) sa mga consumers nito.
Ito ay sa gitna ng iniutos ng kagawaran sa nasabing kumpanya na i-refund ang nasa 21.769 billion pesos na halaga ng labis na singil na nakolekta nito mula sa mga customers mula noong July 2015 hanggang June 2022.
Sa isang pahayag ay binigyang-diin ni ERC Chairperson Agnes Devanadera na hindi naman aniya overcharging ang nangyari kundi diperensya lamang sa kanilang naging projection batas sa aktwal na pinagbabayaran ng Meralco.
Sa katunayan pa nga aniya ay madalas itong mangyari ngunit iginiit na wala namang mali ukol dito.
Samantala, sa kabilang banda naman ay ibinalita rin ni Devanadera na sa ngayon ay hindi pa rin aniya pormal na nabibigyan ng Korte Suprema ang ERC ng kopya ng kautusan tungkol sa dagdag singil sa mga consumers.
Ito aniya ang dahilan kung bakit hindi pa rin aniya napapatupad ang SC ruling hanggang sa kasalukuyan.
Ngunit nilinaw niya na maaari pa rin daw na maghain ng motion for reconsideration ang ERC sa oras na mai-serve na ang kautusan na ito ng Korte Suprema.