-- Advertisements --

Masayang ibinalita ni Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro na bagama’t pangalawang bansa sa buong mundo na may pinakamaraming naitatalang kaso ng COVID-19 ang Brazil, wala pang Pilipino doon ang nagpositibo sa virus.

Sa ngayon, nasa mahigit 2.5 million na ang COVID-19 cases sa Brazil.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Amb. Mauro na sa humigit kumulang 1,200 Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa Brazil ay wala pa silang naitatalang nahawaan ng sakit.

Ayon kay Amb. Mauro, umaasa silang ito ay magtutuloy-tuloy kasabay ng kaliwa’t kanang paalala nila sa ating mga kababayan sa Brazil na mahigpit na sundin ang mga health safety protocols.

Samantala, iniulat din nito na may dumaong na barko sa Brazil kung saan may lulang 14 Filipino crew.

Lahat umano ito ay unang nagpositibo sa COVID-19 pero kalaunan gumaling ang 11 at na-discharge na sa ospital habang ang dalawa ay nanatili sa ospital at nagpapagaling habang ang isa ay nasawi.

Inihayag pa ni Am. Mauro na mayroon ding mga Pilipino sa Brazil ang nais bumalik ng Pilipinas matapos mawalan ng trabaho dahil sa pandemya at kasalukuyang hinihintay na lamang nila ang magiging aksyon dito ng Department of Foreign Affairs (DFA).