-- Advertisements --

Idineklara na bilang “endangered” ang Emperor penguin matapos ang lumalalang epekto ng climate change na nagbabanta sa kanilang kaligtasan, ayon sa International Union for Conservation of Nature (IUCN).

Mula sa dating “near threatened,” itinaas ang status ng emperor penguin sa Red List of Threatened Species ng IUCN—batayan ng panganib ng pagkaubos ng mga hayop at halaman.

Ayon sa mga eksperto, lubhang umaasa ang Emperor penguin sa matibay na sea ice sa Antarctica para sa kanilang pamumuhay, panghuhuli ng pagkain, at pagpaparami.

Gayunpaman, mabilis na numinipis at nasisira ang sea ice dahil sa global warming dulot ng greenhouse gas emissions, na nagdudulot ng maagang pagkatunaw nito. Dahil dito, inaasahang mababawasan ng kalahati ang populasyon ng emperor penguins pagsapit ng 2080s.

Ipinunto ng IUCN na ang climate change na dulot ng tao ang pangunahing banta sa species. Batay sa satellite data, tinatayang nasa 20,000 adult penguins o katumbas ng halos 10% ng populasyon ang nawala sa pagitan ng taong 2009 at 2018.

Bukod sa emperor penguin, isinama rin sa “endangered” category ang Antarctic fur seal matapos bumaba ng higit 50% ang populasyon nito mula 1999. Ayon sa IUCN, naapektuhan ang kanilang pagkain dahil sa paglipat ng krill sa mas malalim na bahagi ng karagatan dulot ng umiinit na tubig.

Samantala, inilipat naman sa “vulnerable” ang Southern elephant seal dahil sa pagbaba ng bilang na iniuugnay sa isang nakahahawang sakit.

Nagbabala ang mga eksperto na kung magpapatuloy ang pag-init ng mundo at pagliit ng sea ice, maaaring tuluyang maglaho ang mga emperor penguins sa wild bago matapos ang siglo.