Pinagkokomento na ng Supreme Court (SC) ang ehekutibo kaugnay sa inihain ng Senador na paglilinaw laban sa pagbasura ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ayon kay SC Spokesman Brian Hosaka, 10 araw lamang ang ibinigay ng kataas-taasang hukuman para magkomento sina Executive Sec. Salvador Medialdea at Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teodoro Locsin.
Nakapaloob sa Senate Resolution No. 337 na inihain ng Senado sa Korte Suprema ang kahilingan na i-define o linawin ng SC ang otoridad ng mataas na kapulungan sa pagpapawalang bisa sa isang international agreements ng Pilipinas sa ibang bansa, gaya na lang ng Estados Unidos.
Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang termination sa VFA makaraang bawiin ng Amerika ang US Visa ni Senador Ronaldo Bato dela Rosa na sinasabing isa sa mga dahilan upang putulin na ang VFA ng bansa sa Estados Unidos.