-- Advertisements --

Naniniwala si House Ways and Means Chair at Albay Representative Joey Salceda na may nakikita siyang magandang pangitain na bababa ang inflation levels ngayong 2023 kumpara sa taong 2022.

Nitong December 2022 kasi nakapagtala ng 8.1% inflation.

Sinabi ni Salceda ngayong 2023 bababa ang presyo ng langis, transportasyon at sa enerhiya.

Dagdag pa ng mambabatas tila nakasanayan na ng buong mundo ang Russia-Ukraine conflict lalo at ang Europe ay nagawang punan ang kanilang reserves na hindi umaasa sa piped gas ng Russia.

Nagbabala si Salceda na “ang kabuuan ng 2022 ay nagpakita na ang mga isyu sa presyo ng pagkain sa bansa ay isang structural issue.

Ipinunto ni Salceda na ang food inflation ay nananatiling pinakamalaking nag-aambag sa inflation noong Disyembre 2022, sa 10.2%, “ay lubhang nakakaalarma.”

At ang pinakamataas na indeks ng presyo sa mga bilihin sa ilalim ng pagkain ay mga gulay sa 32.4% at asukal sa 38.8%, sinamahan pa ito ng smuggling activities kung saan ang mga smuggler na hindi nagbabayad ng buwis at tungkulin sa gobyerno ay nakikinabang din sa mataas na presyo sa domestic market.

Kaya panahon na para buwagin ang kartel ng smuggling lalo na sa sibuyas, karne, isda, at iba pang agri commodities.

Gawing mas transparent at bukas sa lahat ang food trade regime.

Sa ngayon ang Pilipinas ay may pinaka mahal na presyo ng sibuyas sa buong mundo at maging presyo ng asukal.

Ipinunto ni Salceda na ang rice price inflation ang pinakamabagal sa lahat ng food items sa Consumer Price Index.