Inihayag ni House Committee on Justice chair Gerville Luistro na sobra pa sa probable cause ang mga nakalap na ebidensiya laban kay Vice President Sara Duterte para i-impeach siya.
Ayon sa mambabatas, ipinapakita ng mga dokumentong iprinisenta sa impeachment hearing kahapon, Abril 22 na ang malaking bank transactions nina VP Sara at kaniyang asawa na si Manases Carpio ay hindi tumutugma sa kanilang pinagsamang kabuuang yaman gayundin ang non-disclosure ng cash at bank deposits para sa anim na taon.
Ito ay maliban pa sa notices of disallowances na inisyu ng Commission on Audit para sa nagugol na confidential fund ng Office of the Vice President na nagkakahalaga ng kabuuang P448 million.
Ito aniya ay pagkumpirma sa mga alegasyon sa dalawang reklamong impeachment laban sa Bise Presidente.
Aniya, napatunayan ng mayorya ng mga miyembro ng Justice panel na may batayan ang mga alegasyon sa reklamo base sa mga lumabas na ebidensiya sa hearing kahapon.
Nakatakda namang tukuyin ng Justice Committee kung may probable cause o wala ang mga reklamo para iakyat ito sa plenaryo ng Kamara para pagbotohan.
















