-- Advertisements --

Kumbensido si Magdalo party-list Rep. Manuel Cabochan na takot si Pangulong Rodrigo Duterte na makulong kaya nagdesisyon na tanggapin ang alok ng PDP-Laban na tumakbo sa pagka-bise presidente sa halalan sa susunod na taon.

Gagawin aniya ni Duterte ang lahat ng maari nitong gawin para lamang maprotektahan ang kanyang sarili at manatili sa kapangyarihan.

Malakas aniya ang loob ni Duterte na tumakbo sa pagka-bise presidente kahit pa palpak naman ito sa kanyang termino bilang presidente ng bansa.

Iginiit ni Cabochan na libu-libo ang namatay sa Duterte administration, palpak ang tugon sa pandemya, at kaliwa’t kanan ang mga kaso ng kurapsyon na pinalusot lamang.

Bukod dito, wala nga rin aniyang clamor mula sa taumbayan para tumakbo pa si Duterte sa 2022 polls.

Pero sa kabilang banda, maganda na rin ito na itulatk ang Pilipinas sa sukdulan para malaman kung ano pipiliin ba ng mga botante si Duterte o ang kinabukasan ng bansa.