Binigyang-diin ng Malacañang na seryoso at hindi nagbibiro si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pahayag na handa siyang maunang paturukan ng COVID-19 vaccine mula sa Russia.
Magugunitang ngayon pa lamang ay marami na ang nagdududa sa kaligtasan ng “Sputnik-V” na bakunang gawa ng Russia.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, gusto talaga ni Pangulong Duterte na maunang maturukan at maging sampol kung epektibo at ligtas ang nasabing bakuna.
Una ng inihayag ng Russian government na kabilang ang Pilipinas umano sa prayoridad na bibigyan ng supply ng bakuna sakaling maging available na ito.
Tiniyak naman ni Sec. Roque na dadaan muna sa pag-apruba ng Food and Drug Administration (FDA) ang anumang bakuna o gamot na ipapagamit sa mga Pilipino.
















