-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang dahilan para maging hysterical o mag-panic kaugnay sa Wuhan coronavirus na nakapasok na nga sa bansa.

Sa press briefing matapos ang ipinatawag na emergency meeting sa mga health experts, sinabi ni Pangulong Duterte na kailangan lamang magpa-check-up sa ospital ang isang taong pinaghihinalaang may sakit ng Wuhan disease.

Ayon kay Pangulong Duterte, kaya nagkakaubusan ng supply ng face mask ay dahil sa hysteria ng mga tao, bagay na kanila ng tinutugunan sa pamamagitan ng pagbili ng mas maraming supply ng face mask.

Kasabay nito, bilang pagdepensa sa mga Chinese nationals, nagbabala si Pangulong Duterte laban sa aniya’y xenophobic behaviors kasunod ng mga reports na itinataboy o iniiwasan ang mga Chinese nationals at sinisisi sa pagkalat ng virus.

Inihayag ni Pangulong Duterte na dapat alalahaning libu-libong Pilipino ang nasa China at mabait daw ang China sa Pilipinas.

Bagama’t totoong nagsimula daw ang Wuhan coronavirus sa China, hindi ito sapat na dahilan para sisihin ang mga Chinese nationals o alinmang lahi.

Pinuri naman ni Pangulong Duterte ang kasipagan at sinseridad ni Health Sec. Francisco Duque III sa kanyang trabaho.