Sasailalim si Pangulong Rodrigo Duterte sa COVID-19 swab test bago ang ika-limang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27, araw ng Lunes.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nais makatiyak ni Pangulong Duterte na negatibo siya sa COVID-19 bago ang kanyang SONA.
Batay sa naaprubahan, personal na magtutungo si Pangulong Duterte sa Batasang Pambansa sa Quezon City para i-deliver ang SONA.
Kahapon, inihayag ni House Deputy Secretary General for Administration Department Dr. Ramon Ricardo Roque na maging ang mga mambabatas at kanilang staff na dadalo sa SONA ay kailangang sasailalim sa swab testing at rapid testing para sa COVID-19.
Kung magpositibo, hindi na papayagang makadalo ng personal ang mambabatas o staff sa SONA ni Pangulong Duterte.