-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahalagaan ng pagkakaroon ng fundamental at systematic changes sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para epektibong matugunan ng rehiyon ang mga epektong dala ng COVID-19 pandemic.

Kasabay ito ng pag-welcome ni Pangulong Duterte sa panukalang pagtatag ng ASEAN COVID-19 Response Fund.

Sa talumpati ni Pangulong Duterte sa ika-36 na ASEAN Summit ngayong araw na isinagawa sa pamamagitan ng video conference, sinabi nitong kailangang i-recalibrate ng ASEAN ang mga plano nito at irekonsidera ang mga aral at karanasan ng rehiyon sa COVID-19.

Partikular na binanggit ni Pangulong Duterte ang kahalagahan ng pagpapaigting ng research at capacity-building sa health-technology development.

Napagkasunduan naman ng ASEAN leaders ang kahalagahang makapag-develop ng bakuna laban sa COVID-19.

Samantala, maliban sa global health crisis, ilang mahahalagang paksa rin ang tinalakay ni Pangulong Duterte sa harap ng mga ASEAN leaders.

Kabilang dito ang usapin sa South China Sea kung saan hinikayat ni Pangulong Duterte ang lahat ng partido na sumunod sa international laws at umiwas sa pagpapaigting ng tensyon sa lugar.

Nabanggit rin ni Pangulong Duterte ang iba pang usapin sa rehiyon na kailangang bigyang pansin ng ASEAN tulad ang security at development sa rehiyon, paglaban sa banta ng terorismo, transnational crimes at natural calamities.