Inakyat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa P50-milyon ang pabuyang ibibigay ng pamahalaan sa sino mang Pilipino na makakadiskubre ng gamot o lunas sa COVID-19.
Batid umano ng presidente na ang ginagawang pananaliksik para sa lunas ay hindi ginagawa ng isang eksperto lang, kaya tinaasan pa ang P10-milyon na unang inanunsyong pabuya.
Ayon naman kay Health Sec. Francisco Duque, ang attached agency ng Department of Science and Technology (DOST) na Philippine Council for Health Research and Development ay matagal ng kumikilos sa produksyon ng mga bakuna.
Aalamin lang daw ng kalihim, kung kabilang na ba ang COVID-19 vaccine sa pinag-aaralan at sinusuri ng mga eksperto mula sa nasabing tanggapin.
Ayon sa DOH, ano mang araw mula ngayon ay magsisimula na ang Solidarity trial ng mga gamot na sinasabing epektibo laban sa coronavirus.
Ang inisyatibo na ito ay inilunsad ng World Health Organization at sinalihan ng halos 100 bansa sa buong mundo.
Dito sa Pilipinas, may 20 ospital daw ang kasali sa gagawing trial.
May 500 pasyente naman ang nagpahayag ng kahandaan ng pagpapasailalim sa experimental activity.