-- Advertisements --

Pinakikilos ng isang kongresista ang Department of Trade and Industry (DTI) para bantayan ang presyo ng mga cooling appliances sa bansa ngayong panahon ng tag-init.

Kasunod ito ng ilang reklamo tungkol sa mga tindahan na nagtataas ng presyo, upang samantalahin ang mataas na demand sa mga kagamitang kagaya ng air condition, electric fan at mini fan.

Sinabi ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman, kailangang matiyak ng ahensya na hindi nagtaas ang presyo ng mga nabanggit na kagamitan, dahil lamang sa nararanasang temperatura.

Matatandaang maging ang ilang pampublikong paaralan ay nagbabalak nang bumili ng air conditioning system para sa kanilang mga estudyante at guro.

Maliban sa mga nabanggit na appliances, pinatitingnan din ang presyo ng mga ginagamit sa pag-iimbak ng tubig dahil sa posibleng epekto ng El Niño phenomenon.