-- Advertisements --

Sinita ng mga kongresista ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa mabagal na implementasyon ng  second tranche ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.

Sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability, natukoy na wala pang 10 porsiyento ng 17 million target beneficiaries ng second tranche ng SAP ang nakakatanggap emergency cash subsidy hanggang sa kasalukuyan.

Ayon kay DSWD Usec. Danilo Pamonag, 1.337 million beneficiaries na may hawak na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) cash card, at 45,000 waitlisted families pa lang ang nakatanggap ng tulong pinansyal.

Sinabi ni DSWD Sec. Rolando Bautista na may ilang local government units pa rin kasi na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakakapagsumite ng kanilang liquidation reports.

Inamin din nito na nagpapatagal sa proseso ang ginagawa nilang deduplication sa listahan ng mga benepisyaryo ng second tranche ng SAP.

Base sa pagsusuri na kanilang ginawa, humigit kumulang 48,000 benepisyaryo mula sa first tranche ng SAP ang natukoy nilang nakatanggap ng dobleng ayudang pinansyal mula sa pamahalaan.

Ang mga ito ay pawang nakatanggap aniya ng emergency cash subsidy mula sa DSWD at sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng DOLE, DTI at SSS.

Pero ayon kay Deputy Speaker for Finance Lray Villafuerte, kasabay nang pag-iingat sa ginagawang deduplication ay hindi dapat paghintayin pa ng DSWD ang mga SAP beneficiaries ng mahabang panahon .