COTABATO CITY – Patay ang isang lalaki matapos umanong manlaban sa gitna ng drug buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Tawi-Tawi.
Batay sa ulat ng PDEA BARMM, patay ang tinaguriang 10th most wanted ng lalawigan na si Winnie Basanon nang magpaputok sa mga operatiba.
Ayon kay PDEA regional director Juvenal Azurin, nakatakas ang isang kasama ng napatay na suspek, at pinaghahanap pa ngayon ng kanilang hanay.
Nangyari ang operasyon sa Brgy. Bintawlan, South Ubian dakong alas-7:00 ng umaga ng Sabado.
Nakuha kay Basanon ang anim na sachet ng pinaghihinalaang shabu, pitong straw, isang naka-rolyong aluminum foil at puting plastic case.
Mayroon din daw itong P1,000 boodle money, cellphone, calibre 4.5 na baril, M16-A1 rifle at M14 rifle.