-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi bibigyan ng COVID-19 vaccine ang mga drug pushers.

Sinabi ni Pangulong Duterte, imbes na ibigay sa mga drug pushers at drug lords na tinawag niyang mga “aso” ay ibibigay na lamang ang bakuna sa mga mahihirap na komunidad.

Ayon kay Pangulong Duterte, walang maasahang tulong ang mga sangkot sa iligal na droga dahil sinisira nila ang Pilipinas at pinapatay ang mga tao.

“Drug pusher, wala kayo. ‘Yun ang utos ko. ‘Yan ang gusto ko. Hindi maganda? Hindi talaga maganda. Mga tao, hindi pala tao sila, tingin ko sa mga drug pusher, drug lord, aso. Tingin ko sa kanila… hindi ako magtulong sa inyo, sinisira niyo ang Pilipinas, pinapatay niyo ang tao,” ani Pangulong Duterte.

Pero handa umano si Pangulong Duterte na bigyan ng bakuna ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na aniya’y mga Pilipino rin kahit kalaban ng estado.

Basta huwag daw aatake sa tropa ng pamahalaan ang mga NPA habang may problema sa COVID-19 na sa tingin niya ay hanggang Disyembre ngayong taon kung kailan magkakaroon na umano ng bakuna.