Maari nang simulan ng Department of Justice (DoJ) ang automatic review sa lahat ng mga drug cases na una nang naibasura sa kagawaran noong nakaraang taon.
Kabilang sa isasalang sa automatic review ay ang kontrobersiyal na kasong isinampa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa umano’y Chinese drug lord at 16 na iba pa na nasangkot sa sinasabing smuggling ng P1.8 billion na halaga ng iligal na droga.
Una rito ay ilang ulit na isinalang sa preliminary investigation ang kaso na hinawakan ng panel of prosecutors sa pamumuno ni Senior Assistant State Prosecutor Clarisa Kuong at mga miyembro naman sina Assistant State Prosecutors Rodan Parocha at Noel Antay Jr.
Pinangalanan ng PDEA at ng DoJ ang mga respondents sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sina Xu Zhi Jian alyas Jacky Co, Dong An Dong, Julie Hao Gamboa, Fe Tamayosa, Alvin Bautista, Jane Abello Castillo, Carlo Dale T. Zueta, Abraham G. Torecampo, Arwin P. Caparros, Leonardo S. Sucaldito, Mark Leo D. Magpayo, Brian Pabilona Meldy Sayson; Rhea Tolosa,
Edgardo Dominado, Jerry Siguenza at Debbie Joy Aceron.
Kabilang din sa mga respondents ang mga officers at directors ng Wealth Lotus Empire Corporation at Fortuneyield Cargo Services Corporation na siyang nag-facilitate o nagproseso ng shipment sa Bureau of Customs (BoC).
Magugunitang nasabat ng mga tauhan ng BoC ang shabu shipment na itinago sa plastic resin na pinadaan sa Manila International Container Port (MICP) noong March 22, 2018 dahil sa tip ng mga Vietnamese authorities na darating sa Pilipinas ang naturang kontrabando.
Matapos ang serye ng mga preliminary hearings ay na-dismiss ang nasabing kaso at nilagdaan ang resolusyon noong December 17, 2019 at kabilang sa inabswelto ay sina Sayson, Tolosa, Dominado, Siguenza, Aceron, Gamboa at alyas Dong-An Dong, habang iniutos naman ng panel na iakyat o isampa na sa korte ang kaso laban sa iba pa.
Gayunman ay hindi pa umano masasabing libre na sa batas o malaya na ang mga akusado dahil batay sa isang kautusan o department order ay inaatasan ang sinumang nakaupong justice secretary na obligadong isalang sa automatic review ng Office of the Secretary ang ano mang drug case na naibasura.
Ipinaliwanag naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na makailang ulit na naantala ang automatic review sa naturang kaso dahil sa epekto ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic lalo pa at ilang beses ding sumailalaim sa lockdown at disinfection ang gusali ng DoJ at skeletal force o iilang empleyado lamang ang pinayagan na pumasok sa trabaho noong disinfection at lockdown period.