Mariing itinanggi ng driver ng SUV na sumagasa sa security guard sa Mandaluyong sa siya ay gumagamit ng ilegal na droga.
Ang pagtanggi ay ginawa ni Jose Antonio San Vicente, ang pangunahing suspek sa naturang hit-and-run, matapos itong bolunyaryong sumuko Sa Camp Crame ngayong tanghali kasama ang kanyang mga magulang at abugado.
Ito’y matapos na sabihin ni PNP OIC chief, Police Lt. General Vicente Danao Jr. noong Lunes na baka “adik” ang driver ng SUV dahil walang tao na nasa matinong kaisipan ang sasagasa sa taong nakita niyang nabangga na.
Nang tanungin sa press conference kung handa siyang magpa drug test para patunayan na hindi siya “adik”, sinabi ni San Vicente na susundin niya ang rekomendasyon ng kanyang abugado.
Sinabi naman ng kanyang abugado na si Atty. Dany Macalino na hindi siya handang magbigay ng rekomendasyon tungkol sa drug test dahil ang kinakaharap na kaso ng kanyang kliyente ay isang “traffic violation” lang.