Tiniyak ni Department of Public Works and Highway (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ang continuity sa mga big-ticket projects sa ilalim ng Build, Build, Build Program, batay sa naging direktiba ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.”.
Sinabi ni Secretary Bonoan, na inatasan ng Pangulo ang pagbibigay-priyoridad sa mga imprastraktura na makatutulong sa food security program ng gobyerno sa gitna ng tumataas na inflation, gayundin ang interconnectivity ng mga rehiyon at convergence programs sa iba pang ahensya.
Dagdag pa ni Bonoan, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DPWH sa pribadong sektor para sa pagpapabuti ng road network ng bansa sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP) Program.
Higit pa rito, tiniyak ni Secretary Bonoan sa publiko na siya ay mangunguna sa pamamagitan ng halimbawa” sa pagkintal ng propesyonalismo sa kanyang mga kasamahan, at malugod na tinatanggap ng ahensiya ang mga puna at komento ng publiko.
Anumang isyu o reklamo ay maaaring ihatid sa pamamagitan ng mga social media pages, email, at mga hotline number ng DPWH.
Hinihikayat din ni Bonoan ang publiko na makipag-ugnayan at tumulong para sa pag-unlad ng bansa.