-- Advertisements --

Nakahanda si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na makipagtulungan sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng imbestigasyon ng umano’y iregularidad sa 2019 Southeast Asian Games.

Iginiit ng kalihim na malinis ang kaniyang konsensiya kayat susunod siya sakaling mag-isyu ng subpoena ang NBI bilang bahagi ng pagsisiyasat nito.

Sinabi rin ni Sec. Dizon na naibasura na ang reklamong inihain laban sa kaniya at sa iba pang mga opisyal noon pang Disyembre 2021 kayat kampante siyang malinis ang kaniyang konsensiya at naniniwalang naging maayos ang mga pagkakagawa ng naturang mga pasilidad.

Ginawa ng kalihim ang pahayag sa mga kawani ng media kasabay ng inspeksiyon ng Phase 2 rehabilitation ng EDSA nitong umaga ng Lunes, Hulyo 20.

Matatandaang si Dizon ang nagsilbing chairman ng Bases Conversion and Development Authority, na nangasiwa noon sa konstruksiyon ng sports facilities sa New Clark City.

Muli ngang nabuhay ang kontrobersiya sa 2019 SEAG matapos na sabihin ni NBI Director Melvin Matibag na iimbestigahan nila ang umano’y anomaliya sa konstruksiyon ng sports facilities.