-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Transportation labam sa gagamit ng pekeng vaccination cards para makasakay sa pampublikong sasakyan.

Ginawa ito ni Transportation Undersecretary Artemio Tuazon sa unang araw ng implementasyon “No Vaccine, No Ride” policy sa Metro Manila, na nasa ilalim ng Alert Level 3 hanggang sa katapusan ng Enero ng taong kasalukuyan.

Nakikiusap si Tuazon sa publiko na huwag dayain ang sistema gayong ang polisiyang kanilang ipinatutupad sa ngayon ay para rin naman sa kaligtasan ng kalusugan ng lahat.


Sa pagtatanong naman ng Bombo Radyo kay DOTr spokesperson Goddes Hope Libiran, sinabi niya na ang Philippine National Police at mga Local Government Units (LGUs) na ang bahala sa pagpapanagot ng mga mananakay na gagamit ng pekeng vaccination card.


Kabilang sa mga posibleng kaharaping parusa ay pagkakakulong o multa na maaring umabot ng hanggang P1 million.

Sa ilalim ng Department Order ng DOTr, walang parusang naktakda para sa mga pasahero gayong wala namang awtoridad ang kagawaran para magpataw nito.

Kaya naman ang penalties na ipapataw, tulad ng multa at suspensyon ng lisensya at pagbawi sa prangkisa, ay para sa mga drivers at transport operators.