Matapos ilunsad ang bagong Commuter Hotline ng Department of Transportation(DOTr), nakatanggap ang ahensiya ng sunod-sunod na reklamo mula sa mga commuters sa Metro Manila.
Ayon sa DOTr, karamihan sa mga natanggap na reklamo ay mga ‘trip-cutting’ o mga biyahe ng mga pampasaherong sasakyan na hindi itinutuloy, bagkus ay itinitigil na lamang at pinapalipat ang mga pasahero, lalo na kapag nakakita ang mga tsuper ng mas magandang oportunidad.
Dahil dito, nagsagawa ng field operation ang mga tauhan ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa ibat ibang mga terminal sa Metro manila.
Ito ay upang sitahin ang mga tsuper na hindi sumusunod sa kanilang ruta, na nagiging dahilan upang maantala ang lakad o biyahe ng mga commuters.
Marami sa mga nabigyan ng citation ticket ay mga jeepney drivers na nag-iiba ng ruta.
Samantala, batay sa Joint Administrative Order 2014-01, maaaring patawan ng multang hanggang sa P5,000 ang mga tsuper na mapapatunayang hindi sumusunod sa rutang nakasaad sa kanilang prankisa.
Patuloy namang pinapaalalahanan ng DOTr ang mga tsuper at operators na respetuhin ang karapatan ng mga commuters na makarating sa kanilang mga destinasyon nang ligtas.