Pinayuhan ng Department of Tourism (DOT) ang publiko na maging wais sa pagbiyahe para matiyak ang kaligtasan sa kasagsagan ng Holy week.
Ayon sa ahensiya, ang mga biyaherong nangangailangan ng accommodation, tours, transportation at iba pang tourism-related services ay pinapayuhang tangkilikin ang accredited tourism enterprises ng DOT.
Kinikilala kasi ang mga establishimentong mayroong accreditation sa DOT na sumusunod sa itinakdang minimum standards ng ahensiya para matiyak ang dekalidad na operasyon ng mga pasilidad at serbisyo sa sektor ng turismo.
Inirerekomenda din ng DOT na manatiling updated ang mga biyahero sa mga balita may kinalaman sa mga biyahe at maging mapanuri laban sa scam gaya ng pekeng tiket o accommodation scams.
Nagpaalala din ang ahensiya sa publiko na i-check ang kanilang official sites para sa tourism o travel-related assistance at kung may mga katanungan.
Inisyu ng ahensiya ang naturang abiso bago ang inaasahang pagdagsa ng mga biyahero para sa paggunita ng Holy week at panahon ng bakasyon mula Marso 24 hanggang Abril 30.










