Nakatakdang bigyan ng libreng antigen kits ang mga hindi pa nabakunahang guro sa lalawigan ng Cebu.
Ito’y matapos i-turn over kahapon ng Kapitolyo sa Department of Education Central Visayas (DepEd-7) ang donasyon mula sa isang pribadong kompanya na hindi bababa sa 10,000 antigen test kits.
Nagpasalamat naman si Cebu Governor Gwendolyn Garcia sa natanggap na donasyon at inihayag na malaking tulong pa umano ito sa mga hindi pa bakunadong guro para hindi na gagastos sa pagkuha ng COVID-19 test bago makapasok sa paaralan.
Una nang nagpahayag ng pagtutol si Garcia sa mga polisiya na ginagawang requirement ang pagpapabakuna sa mga trabaho at edukasyon at sinasabing ito ay may diskriminasyon at ‘sumasalungat sa COVID-19 Vaccination Program Act of 2021’.
Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat sa gobernador si DepEd-7 Regional director Dr. Salustiano Jimenez at sinabing “answered prayer” pa umano ang natanggap na donasyon dahil maaari ng magkaroon ng Covid tests ang mga guro nang libre.