CEBU CITY – Inalmahan ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang banat ni Department of Environment and Natural Resource (DENR) undersecretary at spokesperson Benny Antiporda na sinisi nito ang sistema ng probinsya kaya naibenta ang domestic o local market ng mga dolomite sa bayan ng Alcoy na siyang ginamit para sa pagpapaganda ng Manila Bay.
Ayon kay Cebu Provincial Governor Gwendolyn Garcia, hindi ang sistema ang problema kundi ang operasyon mismo ng Philippine Mining Services Corporation (PMSC) sa ilalim ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa DENR.
Hindi aniya ito sumunod sa kasunduan na kailangang ipaalam muna sa Cebu Provincial Government ang lahat ng transaksyon ngunit mismong ang MGB-DENR pa ang nagbigay ng permit kahit hindi niya alam.
Pinaalala pa ni Garcia ang obligasyon nitong magbayad sa Cebu Provincial Government kasama na ang pag-secure ng waste disposal permit.
Kaugnay nito, nilinaw naman ng Cebu governor na ang cease and desist order na inisyu nito ay hindi pagpapatigil sa mining operation ng nasabing firm. Giit ni Garcia na patuloy pa rin ang pagbebenta nito sa kanilang mag identified customers pati na sa ibang bansa.
Inutusan na rin nito ang bagong direktor ng Cebu Provincial Police Office na si P/Col. Aladdin Collado na istriktong ipapatupad ang kanyang Executive Order.