
Bagaman walang napipintong wage increase ngayong Labor Day, ipinangako ng Department of Labor and Employment o DOLE na nakahanda ang mga tulong pinansyal na ipapamahagi kasabay ng araw ng paggawa.
Ayon kay Labor Undersecretary Benjo Benavidez, naglaan ng P1.8Billion na halaga ng assisstance ang pamahalaan para sa mga kwalipikadong benepisaryo ng financial aid, kasama na ang emergency employment at livelihood assisstance.
Kasabay ng selebrasyon ng Araw ng Paggawa, ipapamahagi ng nasabing ahensiya ang hanggang P100Million na sahod sa mga Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantage/Displaced Workers o TUPAD beneficiaries sa buong Metro Manila. Nasa P50Million din ang ipapamahagi sa iba pang panig ng bansa.
Ang mga nasabing tulong ay bahagi na rin ng pagnanais ng DOLE na matugunan ang pangangailangan ng mga marginalized sector sa buong bansa, lalo na yaong mga walang stable na trabaho.
Sa usapin ng wage increase, patuloy pa rin aniyang nirereview ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang mga petisyon na una na nitong natanggap.
Sa kasalukuyan, mayroong walong wage hike petition na nakapending sa ibat ibang mga rehiyon, kasama na dito sa National Capital Region, Calabarzon, Western Visayas, at Central Visayas.
Muli ay umapela rin ang opisyal sa publiko na makibahagi sa isasagawang job fair kasabay ng Labor Day sa Mayo 1, kung saan inaasahang mahigit 70,000 na trabaho ang iaalok sa publiko.










