-- Advertisements --

Walang nakikitang problema ang Department of Justice (DoJ) sa plano ng Senado o kahit pa ng Kamara na magsampa ng hiwalay na mga reklamo laban sa tiwaling opisyal o kawani ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, puwede naman daw talagang maghain ang Senado ng sarili nilang reklamo o kaso sa mga opisyal at empleyado ng Philhealth na hindi pa nakasama ang pangalan sa isinasagawang imbestigasyon ng Task Force Philhealth. 

Una rito, sinabi ni Senador Panfilo Lacson na puwede raw maghain ang Senado ng sariling reklamo sa Office of the Ombudsman laban sa mga tiwaling opisyal ng Philhealth kasama na si Department of Health (DoH) secretary at Philhealth Board Chairman Francisco Duque III.

Sinabi ni Guevarra na ang ehekutibo at lehislatura, na kapwa nirerepresenta ang sambayanan ay may mandato na puksain ang kurapsyon at kalokohan sa ano mang ahensiya ng gobyerno.

Sa panig ng DoJ, sinabi ni Guevarra na nagsimula pa lamang ang trabaho ng kagawaran na pangunahan ang ginagawang imbestigasyon ng Task Force Philhealth. 

Patuloy aniya ang malalimang pagsisiyat ng task force upang malaman ang katotohanan sa mga alegasyon laban sa Philhealth at makabuo ng mabibigat na kaso.

Kasunod nito, ibinunyag ni Guevarra na mas marami pang personalidad na isinasangkot sa katiwalian sa Philhealht ang inaasahang makakasama sa mga irereklamo at madadagdagan din ang mga reklamo isasampa sa mga darating na araw.

“Nothing prevents the senate or the house from initiating their own complaints against erring Philhealth officials. both the executive and legislative branches, representing the interest of the people, are duty-bound to rid any government agency or entity of corruption and wrongdoing. on the part of the DOJ, its work of leading and coordinating the efforts of the member agencies of Task Force Philhealth has just begun. As we continue to probe more deeply into the fraud centers in the state health insurer and build up cases, more names may be included and more complaints will be filed in the coming days,” ani Guevarra.

Una rito, patong-patong na kaso na ang isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Ombudsman laban sa mga tiwaling opisyal ng Philhealth.

Sa pamamagitan ng endorsement ng DoJ, nagsampa ng reklamo ang NBI sa Ombudsman ng mga reklamong paglabag sa Secs 3(e) at 3(i) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Malversation of Public Funds or Property, paglabag sa Sections 251, 255, at 272 ng National Internal Revenue Code at Sec 4 ng RA 1051 na may kaugnayan sa mga kuwestiyonableng grant ng mga advances sa mga health care institutions sa National Capital Region (NCR) dahil sa interim reimbursement mechanism (IRM) laban sa siyam na opisyal ng Philhealth:

Kabilang dito sina:

– Dating President and Chief Executive Officer Ricardo Morales

– Executive Vice President and Chief Operating Officer Arnel de Jesus

– Senior Vice President, Fund Management Sector Renato Limsiaco

– Senior Vice President, Health Finance Policy Sector Israel Francis Pargas

– PhilHealth Area ll Vice President Gregorio Rulloda

– PhilHealth NCR accreditation subcommittee member Lolita Tuliao

– Dr. Imelda Trinidad De Vera-Pe

– Gemma Sibucao

– Lailani Padua