Ibinunyag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nakatanggap siya ng ikalawang ‘surrender feeler’ mula kay dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag bagamat duda pa rin ang kalihim kung talagang seryosong ikinokonsidera ni Bantag na sumuko.
Ayon pa kay Justice Secretary Remulla, ang una aniyang ipinaabot ni Bantag na surrender feeler ay sa pamamagitan umano ng isang Cabinet official noong buwan ng Abril at ang ikalawa ay sa pamamagitan ng isa sa mga kaibigan ni Remulla.
Saad pa ni Remulla na ang ikalawang surrender feeler mula kay Bantag ay ipinaabot umano sa kaibigan ni Remulla mula sa law enforcement anim na araw ang nakalilipas habang nasa Amerika si Remulla para samahan ang Pangulo sa kaniyang official visit.
Naniniwala din si Remulla na nababahala sina Bantag at dati nitong deputy na si Reicardo Zulueta kaugnay sa kung saan sila madedetine.
Isa aniya ito sa kanilang pinag-aaralan sa ngayon subalit pabor naman aniya sila para sa special arrangements kay dating DG Bantag at Zulueta.
Ang pangunahing concern kasi nina Bantag at Zulueta ayon kay Remulla ay ang huwag makulong sa BuCor facility kung saan dating naging director generl si Bantag.
Subalit ipinaliwanag naman ni Remulla na karaniwan namang ang Bureau of Jail Management and Penology at hindi ang BuCor ang may hawak sa mga preso na sumasailalim sa paglilitis.
Una ng inkusahan si Bantag na siya umanong utak sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid at inmate na si Jun Villamor na umano’y middleman sa Lapid killing nang ito ay nakaupong BuCor chief.
Nahaharap sina Bantag at Zulueta sa daalwang kaso ng murder kaugnay sa pagkmatay ni Lapid at Villamor.
Nag-isyu na rin ng Warrant of arrest ang Muntinlupa at Las Piñas regional trial courts para kina Bantag at Zulueta.